Sunday, June 7, 2015

Tonight, I Write the Bravest Lines

Makailang ulit na kong nagbura ng napakaraming linya. Ibig kong magsulat; nga lamang, ayaw umayon ng mga ideya at tinta ng aking panulat. As if naman may tinta diba? Haha. Ayan, mananagalog na ko. Baka dumaloy ang mga salita at sa wakas ay makapagsulat din ako.

Napakarami nang nangyari.

Napakarami nang salita ang nabitawan.

Napakarami nang luha ang napunasan.

Napakarami nang puso ang nasugatan.

Emo ‘no?

Napakarami nang laban ang npagtagumpayan at patuloy na ipinaglalaban.

 Lahat tayo ay may kani-kanyang laban na ipinaglalaban. Alam niyo kung ano ang pinakamahirap? Yung mga laban na umaalingaw-ngaw sa ulo mo. Yung mga boses na naghaharian sa isip mo. Yung ilang ulit mo silang gustong patahimikin, andoon at paulit-ulit nilang sasabihin ang mga bagay na ayaw mong marinig. Sisirain ang mga bagay na iyong nakikita; ipapahayag sayo ang mga impormasyong hindi naman talaga tama.

“It’s all in the mind”, ika nga.

Muli, sa huling pagkakataon, talunin mo sila. Patahimikin at patunayang mali.

Hindi ka talunan. ‘Wag kang patatalo sa sarili mong isipan. Nakasalalay ang iyong pagwawagi o pagkatalo sa kalidad ng iyong mga iniisip. At nasasayo ang susi ng isang matagumpay na laban.

Ikaw ay isang taong matagumpay. Dahil may isang Cristo Jesus na namatay sa krus upang mawasak ang lahat ng umaalipin sayo. Pawang kasinungalingan ang paniwalaang ikaw ay kawawa at wala nang pag-asa. Kay Jesus, pag-asa ay makakamtan, pag-ibig ay muling malalasap, at ikaw ay muling babangon sa kailaliman ng dagat na iyong kinasasadlakan.

Ang iyong isipan ang punterya ng kalaban dahil sa sandaling iyong paniwalaan ang lahat ng kanilang kasinungalingan, ikaw ay magiging isang talunan.

Kasinungalingang ikaw ay nag-iisa. Na ikaw ay mahina. Na ikaw ay hindi na makakaahon sa sadlak na buhay na meron ka. Kasinungalingan.

Muli ay tumayo ka. Pagkat napakarami mo pang laban na pagtatagumpayan.

At sa iyong laban, ikaw ay hindi nag iisa. Dahil may isang Cristo Jesus na hindi ka iiwan, kailanman.
Dahil sa krus, lahat ng laban ay tapos at napagtagumpayan na.


SINABI KO ITO SA INYO UPANG KAYO’Y MAGKAROON NG KAPAYAPAAN SA PAKIKIPAG-ISA SA AKIN. MAYROON KAYONG KAPIGHATIAN DITO SA SANLIBUTAN; NGUNIT LAKSAN NINYO ANG INYONG LOOB! NAPAGTAGUMPAYAN KO NA ANG SANLIBUTAN.
Juan 16:33
 Magpasalamat tayo sa Diyos na nagbibigay sa atin ng tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo! 1 Corinto 15:57